Takipsilim sa SM Baguio

Kinumutan tayo ng hamog habang ang puso nati’y nangangatog,
hindi kinakaya ng init ng kape ang malamig na samyo ng hangin.
Tahimik tayong nakatanaw sa mga nanginginig na punong pino,
habang ninanamnam ang mga huling sandaling magkasama tayo.

- April 09, 2012

Kagabi Habang Tuwang-tuwa ka sa Kuwento Mo.

Sana napansin mo ang mga nakakubling luha,

mga nakangiting mata na sa pagtalikod mo’y kagyat na nanlumo,

pagkatpos mo sabihing, siya ngayon ang nagpapaligaya sa’yo.
Magang Pisngi.

Nasaan ang wisdom sa pagtubo ng wisdom tooth? ‘Yung ma-realized kong umaatake na naman ngayon ang immaturity sa akin, ‘yun na kaya ‘yun? O ‘yung mapagtanto kong bakit late na ito tumubo?

Panaginip

Ganun pala ‘yung pakiramdam kapag clueless ka sa mga nangyayari sa paligid mo pero nararamdaman mong may mali. At ganun din pala ‘yung pakiramdam kapag nagdesisyon ang isang tao tapos di mo siya puwedeng suwayin o pigilan nang ganun ganun na lang.

Nanaginip ako kagabi (kanina). Sa mga unang bahagi nakita ko ang Ate Kiting ko, ang sabi niya sa akin, napansin niya raw na ilang araw nang hindi umuuwi ang bunso naming kapatid sa bahay, tinatanong niya sa akin baka alam ko ang dahilan kung bakit. Pero alam ko sa sarili ko na hindi ko alam kung bakit ganun ang nangyari. Sumunod kong nakita ang aking Nanay, sinabi niya rin sa akin na hindi nga raw umuuwi ang kapatid ko. Nagtataka ako kung bakit ganun ang nangyari, bakit hindi ko alam ‘yung mga ‘yun. Sumunod kong nakita ang aking bunsong kapatid, nasa loob siya ng bahay, kumukuha ng mga damit, nagbabalot. Tinanong ko siya kung saan siya pupunta, ang sabi ‘doon na lang ‘. Hindi ko alam ‘yung ‘doon lang’ pero parang naintindihan ko naman siya. Tinanong ko kung saan siya tumutuloy, sabi niya sa akin, nakahanap daw siya ng isang boarding house. Bigla kong napansin ang buong bahay namin, halos wala ng laman. Naisip ko, dati nag-aaway pa kami dahil hindi namin sarili ang kuwarto, lagi kaming may ka-share, pero sa oras ‘yun parang ang luwang-luwang. Gusto kong pigilan ‘yung kapatid ko sa pag-alis, pero hindi ko magawa. Nakita ko ang Nanay ko sa labas ng bahay, parang hindi niya pinapakialaman ang kapatid ko sa pagbabalot. Nalulungkot ako sa nangyari kasi alam kong may problema pero hindi ko alam kung ano ‘yun. Hindi ko mapigilan ang kapatid ko kasi pakiramdam ko may sarili siyang dahilan kung bakit gusto niyang umalis ng bahay. Sabi ko sa kaniya, hanap na rin kaya ako ng boarding house, tutal malayo naman sa bahay ‘yung trabaho ko, para di na ako mahirapan. Hindi umimik ‘yung kapatid ko. Pero sinabi ko lang naman ‘yun para iparamdam sana sa kaniya na wala na kaming kasama nila Nanay sa bahay, lalo na kung aalis siya. Pero wala na akong nagawa.

Napaiyak ako paggising. Kasi bigla kong na-realize na ‘yung ginawa ng kapatid ko na pag-alis sa bahay, ako ‘yung gumawa n’un sa totoong buhay. Naisip ko, ganun nga kaya ‘yung pakiramdam nila n’ung umalis ako sa bahay at di na bumalik kasi may dala-dalang hinanakit? Na hindi rin nila ako kayang suwayin o pigilin kasi alam nilang may dahilan ako? Nalungkot lang ako bigla, halos pitong taon na rin akong hindi umuuwi sa bahay namin.

Asa.

Siguro darating din ‘yung araw na kalmado na lang ako at di na natataranta, kahit makita ko pang online ka.  At siguro darating din ‘yung oras na katulad na lang ng mga spam messages sa aking wall ang pagpapalit mo ng status, kahit pa sabihin nating from complicated to single ‘to. 

Pagsasara.

At dumating na nga tayo sa puntong hindi na nagpapakiramdaman na para bang daig pa natin ang hindi magkakilala.  Hindi na natin makuhang mangamusta kahit sa text man lang, kahit alam nating pareho na hindi naihihiwalay sa katawan natin ang ating mga cellphones.  Nakakatawa, kasi ngayon ko lang napansin na hindi pala tayo friends sa facebook.  At ngayon tinitingnan ko ‘yung friendster account ko, bigla akong nalungkot. Iniisip ko kung iisa-isahin ko pa bang isasalba ang mga pictures nating magkasama na nandito, bago ito tuluyang mag-close.  Inunahan pa ng samahan natin ang pagsasara ng friendster.  Sana dumating na ‘yung panahon na puwede ko nang pagtawanan ang tumblr, puwede ko nang pagtawanan ang mga sinulat ko dito, kasama ang entry na ‘to, tungkol sa’yo. 

Simpleng Paraan.

Minsan, ang pinakasimpleng paraan para manatiling malapit sa taong iyong pinapahalagahan ay manatili lang sa kaniyang tabi, ngunit abisuhan ang sarili, ulit-ulitin sa kaniyang ‘wag palampasin ang nararamdaman sa bakod ng pagkakaibigan. ‘Pag nagkataon, malamang ang bagsak mo’y sa ampalayahan.

Dapithapon

Dapithapon

Nagpapaalam na naman ang araw, hindi ko alam kung bakit ito ang paboritong oras ng pagdagsa ng mga alaalang kasama ka. Sana katulad ka ng araw, pansamantalang nagpapaalam pero dala niya ang pangakong bukas, muli siyang sisikat at babalik. Buti pa ang araw marunong magpaalam, kahit paano hindi niya naipaparamdam ang pakiramdam nang naghihintay sa walang kasiguraduhang kawalan. Ito ang mahirap kapag puro kayo pakiramdaman, wala kang pinanghahawakan kundi ang mga ganitong alaalang inaalala na lamang.

Hanapin mo Ako sa Magkabilang Gilid ng Tulang Alay Sa’yo


Inilipad ng amihan ang aking diwa sa himpapawid
Nang unang masilayan ang di inaasahang itatangi
Ginulat ako ng  nakangiting langit
Animo’y isang senyales ng paglikha ng bagong mundo.

Tangan ang kasunduang banal,
Kalakip ng pagpapahalaga ng nagkaunawaang kaluluwa
Ang isang panatang walang iwanan magpakailanman

Lahat kasalikop ng hiling na sana’y walang tumiwalag.

At kung isang araw, sa iyong paningin ako’y mawala,
Gunitain lamang itong abang tula ng iyong kabatak
‘Indi ako nawala. Sa harap ka nakatingin, nasa gilid ako.

Kung Marunong Lamang Magsalita ang Paru-paro

                                Black Butterfly

Sasambitin nito ang mga nagkukubling pakiramdam,

yaong tumatahi sa isang dipang pagitan

na naghihiwalay, naglalapit sa atin

sa kamang di ko mawawaan kung maluwag, masikip.

Marahil, maririnig natin ang kaniyang bulong,

na pag-usapan ang pangungusap ng mga matang nag-iiwasan

at ‘wag pagka-abalahan ang mga nangiming kulay

ng kaniyang mga pakpak sanhi ng pagyakap sa kadiliman.

Kung marunong lamang magsalita ang itim na paru-paro

na sabay nating pinagtakhan,

kung bakit nasa loob siya ng puting silid na iyon,

marahil nasabi niya sa’yo kung anong pakiramdam

ang nasa loob-loob ko sa naturang pagkakataon.

Sana’y siya ang nangusap

sa pagpapahalagang di kinayang sambitin

at pinadaan na lamang sa taimtim na dalangin.

  archive